Salamat 2012

Muling pipilasin ang kalenderyo, mamarkahan ang pagdating ng taong darating. Nung isang taon lang ay ay gumawa ako ng ganitong klaseng pasasalamat (https://ramir096.wordpress.com/2011/12/28/salamat-taon-2011/) para sa taong 2011. Ngayong taon ng 2012, hindi kailanman hihinto at ni sa hinuha ng manghuhula ay titigil ako sa pagpapasalamat sa mga bagay, tao at pangyayaring naganap nitong nakalipas na taon. Ang taon na lumipas ay mas naging makasayasayan para sa akin. Mas naging makabuluhan, mas naging mapanghamon at mapanubok. Mas maraming nangyari, maraming kaganapan at mas maraming dapat pagpasalamatan. At sa loob ng pagtik tak ng orasan,  walang habas na pagtakbo ng bawat minuto at sa walang tigil na paglipas ng bawat segundo ay labis labis ang aking pasasalamat sa mga bagay na nakamtan ko sa buhay. Maganda man o hindi, biyaya man o pagkasawi.

Mula sa kaibuturan ng aking puso, labis ang aking pasasalamat sa mga taong nagbigay ng tuwa, lungkot , sakit at sumubok sa aking pagkatao. Sa mga naging kagyak ko sa pagharap sa isang taong pakikibaka. Sa mga naging katuwang ko sa pagkadarapa at pag-ahon.

salamat

Salamat muli sa aking inang at kapatid. Sila ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap pa lalo sa buhay. Sila ang aking ilaw na humahalina sa daang matuwid. Sila ang aking lakas, sandigan at dantayan sa aking oras ng mga pangangailangan.

Salamat muli sa 096 familia.  Hindi ko man kayo masyado nakakasama pero dama ko ang pagpapahalaga niyo sa akin. Sa tuwing ako’y absent sa inuman, kulitan man at foodtripan , dama ko na ako’y laging hanap. Sa bawat latag ng serbesa alam kong may nakalaang bote para sa kin. Magpasaganon pa man, patuloy ang ikot ng mundo sa atin. May tagay man o wala. Tumambay man o  nga nga.

Salamat muli sa elites.  Sa lahat ng suporta at pagpapalakas ng loob. May kanya kanya man tayong pinagkakaabalahan sa kasalukuyan ngunit ang presensiya ng bawat isa ay mananatili sa ating mga damdamin.

Salamat sa San Francisco Chron family. Isa kayo sa mga dahilan kung bakit kailangan kong pumasok gabi-gabi. Nagdulot kayo ng tuwa at ngiti sa gitna ng maingay at ma “queing” na mundo ng “call center”. Kayo ang pumapawi ng pagod at puyat sa kabila ng walang sawang pakikibaka sa di matapos tapos na hinaing ng mga kustomer.

Salamat muli sa mga high school friends. ( Lalo na kay Vy at Che ). Ni minsan hindi niyo ako nakalimutan at iwanan,. Sa bawat mahahalagang kaganapan sa inyong buhay ay di niyo ako nakalimutang anyayahan.  Na sa kahit ano mang paraan ay nagagawa niyo pa rin akong tawagan o dili kaya ay puntahan, bisitahin at kamustahin. Na pinaalala niyo sa akin na darating din ang nararapat na diwata sa akin. Na ang kaginhawaan na tinatamasa niyo ngayon, ay makakamit ko rin. Na nagpapaala sa akin na malayo pa ang ating lalakbayin, magkakasama at mananatili parin hanggang sa ating pagtanda.

Salamat muli (BF)sa aking matalik na kaibigan sa kabilang dulo ng daigdig. Tanda ko pa rin un huling pagkikita natin at pagpapaalala na ang buhay ay patuloy lang sa pakikibaka. Kailangan ng tibay at lakas ng loob. Na ano man ang mangyari, magkadaupang palad pa rin natin haharapin ang bawat hambalos ng pagsubok. Hihintayin ko muli ang iyong pagbabalik.

salamat3

Salamat sayo “Gurl”. Sa maigsing panahon ng ating pagkakakilanlan. Sa pagiging totoo at pagiging tapat. Mabilis man ang kaganapan pero masasabi ko na nakaramdam ako ng kakaibang kasiyahan. Salamat sa isang mapusok at marahas na pagtitinginan. Kung ano mang lebel mayroon tayo nuon ay napasaya mo ako. Sa mga sulat at papuri na dulot mo sa kin ay nag-iwan din ng bakas. Natatangi ang iniwan mong galak sa akin.

Salamat sayo “ Labs “. Muli mong idinulot sa aking kakakaiba at natatanging pintig ng aking puso. Salamat sa dulot mong kilig at ngiti. Parang napakahirap isuko ang lahat para sa isang paniniwala na maaring hindi totoo. Hindi man ako ang bida sa pinili mong “script” ng iyong buhay pero ako’y labis na nagpapasalamat sa mga pagkakataon na ako rin ay dapat pahalagahan at ingatan. Salamat sa natatanging pitak sa puso at natatanging lukso ng puso ang dama.

salamat 2

Salamat sa mga taong nakakasakay sa “mood swing “ ko.

Salamat sa “Vitamin C”. Ikaw ang sandata ko sa  mga bakterya at impeksiyon. Sa yo nabatid ang pagpapahalaga sa kalusugan.

Salamat sa “Cobra at Sting”. Ikaw ang enerhiya ko laban sa antok at pagkapagod.

Salamat sa “rejections”. Mas natutunan ko na hindi matatapos ang ikot ng mundo. Tanggapin ng maluwag at mag-iwan pa rin ng ngiti.

Salamat kay “Habagat at Sendong”. Mas natutunan ko ang kahandaan sa mga unos na darating. Binigyan niyo ako ng dahilan kung paano mas dapat pang pangalagaan ang ating Inang Kalikasan.

Salamat sa mga blogger, follower at readers ko. Sa walang sawang pagbabasa. Sa bawat pindot ng buton ng aking mga paksa. Sa bawat kumento, sa pag “like”, sa pag “share” at sa bawat reply ng aking mga mensahe. Labis na nakakataba ng aking puso. Dahil dun mas ninais ko pang mapaganda at mas gawing makabuluhan ang blogsite kong ito.

Salamat muli sa isang taon na karanasan. Malalim man o mabigat. Kulang man o sapat.

2012

Marami pa akong dapat pagpasalamatan ngunit kulang ang pahina at espasyong ito upang isa isahin ko lahat sila.  Pero ang higit sa lahat ng aking ipinagpapasalamat ay ang misteryong bumabalot at pagmamahal ng Diyos sa akin.

Na sa gitna minsan ng isang biglang malaking dagok at ligalig sa buhay, minsan na rin natigilan, nanlumo at nanghina, ngunit hindi kalilanman nanghinawa o pinanawan ng pag-asa. Hindi kailanman nawawalan ng matimyas na pag asang balang araw, sa wastong panahon at ayon sa takdang tadhana ng Poon ay makakamit din ang tunay na kaginhawaan at kasiyahan.

“Remember that God answer our prayers in three ways, He says “Yes” and gives you something good… He says “No”, and gives you something better…. He says “Wait”, and gives you the best…

Salamat taong 2012.

14 thoughts on “Salamat 2012

  1. “Salamat sa mga taong nakakasakay sa “mood swing “ ko.” –😉

    salamat, kapatid, sa mga dalaw at comments. salamat sa appreciation at sa friendship. sana ay mas maraming biyaya at kasiyahan ang ihatid sa buhay mo ng bagong taon… regards and keep on, Myr.🙂

  2. hmmm, isang pasasalamat. salamat din Myr, sa iyong mga makukulay na katha, sa mga makabuluhan mong paksa, sa mga mapangahas mong pagbibisto sa ilan sa ating gawi bilang lalaki, sa iyong mga tulang nailimbag at lalo sa mga Dasal mong na ipamahagi. magandang pagsalubong ng bagong taon para sa iyo Myr. smile…

    (nais ko rin magpasalamat ke vitamin C)

    • Walang anuman cup!. Ako man din ay nagpapasalamat sa iyo sa mga obra mong likha na patuloy sa pagpapalago dito sa mundo ng blogasperyo. Huwag sana tayong magsawa sa paggawa habang may panahon pa. Ibahagi ang mga nalalaman at pagyamanin ang mga kaalaman at kaisipan. Mas maraming pang katha ang magawa pa sana natin…..ajah!🙂

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s