San na ang barkada?

Nakasimangot ka na lang palagi
Parang ikaw lang ang nagmamay-ari
Ng lahat ng sama ng loob 
Pagmumukha mo ay hindi maipinta 
Nakalimutan mo na bang tumawa 
Eh, sumasayad na ang nguso mo sa lupa 

Kahit sino pa man ang may kagagawan
Ng iyong pagkabigo 
Ay isipin na lang na ang buhay kung
Minsan ay nagbibiro 
Nandirito kami, ang barkada mong tunay 
Aawit sa ‘yo 
Sa lungkot at ligaya, hirap at ginhawa 
Kami’y kasama mo


 

Musmos pa lang ay magkakasama na kami. Simple at payak lang ang buhay namin nuon. Kakain tapos maglalaro, maglalaro tapos kakain tapos matutulog. Tumbang preso, tatsing tatsingan,taguan, patintero, langit lupa, luksong baka at kung ano ano pang mga pambatang laro. May mga “balatsoy”, may parating taya at meron din mga “balagoong”. Nandiyan un naliligo sa ulan ng mga nakahubad, manghuhuli ng gagamba, magtatamblingan sa may buhanginan, sabay sabay na magpapatule at maglalangas ng dahon ng bayabas at kung ano ano pa. Ika nga kay simple lamang ng buhay bata nuon. Walang mabibigat na suliranin.

 

 

Habang lumalaki kami, unti unti namin nakikilala ang bawat pag-uugali ng isa’t isa. Mayroong, medyo bading, antukin, praning, makulit, matalino,maramdamin at malikhain. Kumpleto talaga sa rekado ang barkada namin. Gayunpaman, nagkasundo sundo kame kahit iba’ibang ugali at personalidad. Pinagtagpo tagpo yata kami ng tadhana para sa mga natatangi naming adhikain.

Salat man ang ilan sa min ng edukasyon, di man nakatuntong sa kolehiyo pero sagana naman kami sa prinsipyo at panindigan sa buhay. Wala mang angking dunong mula sa libro at kwudarno pero madiskarte naman sa buhay.

Sabay sabay kami mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog. Mula sa panliligaw, pambobola at pagdiskarte sa mga sinisinta. Mula sa trobol at gulo. Mula sa paghawak ng gitara kasabay ng pagkanta. Mula sa pagsisid at paglangoy sa malalim na dagat. Mula sa pagakyat sa matatarik na bundok. Mula sa pagtampisaw sa tahimik na dalampasigan. Mula sa pormahan at kulitan. Kami ay magkakasama.

Walang lihim na tinatago at sikretong hindi namin alam. Lahat ng baho at kalokohan sa isat isa ay alam na namin. May mga tampuhan at di pagkakaunawaan pero hindi matatapos ang araw na hindi kami magkakasundo.

 

Nang maglaon kasabay ng paglipas ng panahon ay nagawa namin sumakay sa bawat hamon ng buhay. Unti unting namulat sa mga dagok ng pagsubok at namulat sa mga kamalayan ng ating mapaglarong lipunan. Nariyan ang alak, droga, sugal at kung ano ano pang mga away na nakasangkutan. Bawat lagok ng alak ay kasabay ang mga pangarap na unti unting naglalaho.Bawat hithit ng droga ay hatid sa alapaap ang dala, anong tayog man ng lipad ay siya rin ang taas ng lagapak. Bawat lustay ng perang pangsugal ay siya ring pagkasira sa darating na kinabukasan. Bawat basag ulo na kinasasangkutan ay siya ring himas na rehas ang iniiwasan. Magpasaganon pa man, ano mang hambalos ng buhay, ano mang unos na dumating sa aming samahan ay sama sama naming hinaharap kasabay sa pag-ikot ng tagay.

 

Nasaan na ang tropa ngayon? yan ang aking tanong. Marahil abala sa pagpupunyagi upang maiahon ang antas ng kani-kanilang pamumuhay. Naging madalang man ang pagkikita kita pero sa puso at isip kami ay di nagiiwanan…May nasa abroad, may seaman, may call center agent,  may promodizer, may pa sideline sideline, may umasenso, may mapera, may nag-asawa na, nagkapamilya at kahit nangaliwa wala sa amin ang nagpapataasan. Kung sino ang meron siya ang taya. Kung sino ang mas nakakalamang siya ang nagpaparaya. Pero ang bawat suporta ay sapat na hindi kayang tumbasan ng anu mang salapi.

Nasaan na kayo ngayon? may isang daang piso ako ngayon. Baka gusto niyo dagdagan at may isang lapad na empi na tayo. Pakilabas na rin ng gitara at ako na rin bahala sa pagkanta. Kahit wala ng pulutan. Yung mga kwento niyo lang, asaran at hagikgikan ay sapat na. Heto ako na ang tatagay!

5 thoughts on “San na ang barkada?

  1. Ang barkadahan.
    May kanya kanya nang buhay.
    Madalang man magkita. At kung magkikita man, parang kahapon lang. Parang walang nabago. Tulad pa rin ang kulitan at alaskahan… Syempre kasama pa rin ang dramahan… Walang kinalaman ang estado sa buhay. Lahat pantay pantay. =) ang mahalaga alam mong matatakbuhan at maasahan, sa seryosong bagay MAGING SA KALOKOHAN. =)).
    Namiss ko tuloy ang aking mga “kabagang” hehehe..

    • @crazy-nakakatuwa ng isipin ang mga dati nating barkadahan di ba?..tama kahit madalang magkita pero kapag nagksaama na parang kahapon lang..Anong kwento ng barkada mo? gusto ko rin marinig..hehehe..yaan mot magkikita kita rin kayo ng mga kabagang mo..;-)

      • Matatawag na rin sila pamilya.
        Kelan ko sila makikita. Mukhang matatagalan pa =). ( buti may ym, skype at fb, pwede n ‘yon pansamantala).

        Nakakatuwa nga isipin, nangingiti tuloy ako ^_^. ang daming kwento… Isa sa kwento ng tropa ko, nakasulat sa aking RESIBO…
        Gandang araw sa’yo… Pati na sa barkadahan mo… =}

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s